Sa edad na walo, naghahanda nang sumabak sa kolehiyo si Adhara Perez at mag-aral ng astrophysics para sa pangarap na maging astronaut.
Mayroong intelligence quotient (IQ) na 162 ang batang henyo mula Tlahuac, Mexico–mas mataas ng ilan kay Albert Einstein at Stephen Hawking na parehong may 160 IQ.
Ngunit bago madiskubre ni Perez ang kanyang potensyal, nakaranas ng pangungutya mula sa mga kaedaran ang batang nasuring may Asperger’s syndrome.
Kuwento ng inang si Nallely Sanchez sa The Yucatan Times, minsan niya nang nasaksihang ikinulong ng mga bata si Perez sa isang bahay-bahayan at tinutuksong wirdo habang binabato ang bahay.
Dahil sa nararanasang pambu-bully, nauwi sa depresyon si Perez, ayon sa nanay.
Kaya naman pinayuhan sila ng psychiatrist ng bata na ipasok siya sa Talent Care Center, kung saan nila nalaman ang kanyang pagkataas-taas na IQ.
Natapos ni Perez ang elementarya sa edad na lima, ang middle school sa edad na anim, at ngayon sa edad na walo ay opisyal na siyang nakapagtapos ng sekondarya.
Sa kasalukyan ay may dalawang online degree na kinukuha si Perez–industrial engineering in mathematics sa Universidad Tecnológica de México (UNITEC) at systems engineering sa Comprehensive National Cybersecurity Initiative (CNCI).
Suportado ni Sanchez ang kagustuhan ng anak na maging astronaut kaya naman plano nilang pumunta sa United States upang maipasok si Perez sa University of Arizona.
Hiling ng pamilya na makakuha ng scholarship sa astrophysics si Perez na nag-aaral din ngayon ng English bilang paghahanda sa kolehiyo.