8-anyos, Patay Matapos Mabaril ng Kanyang Kalaro!

440

Cauayan City, Isabela- Patay ang 8 taong gulang na batang lalaki nang aksidenteng mabaril ng kanyang kalaro dakong alas 11:30 kagabi sa Main Avenue, San Gabriel, Tuguegarao City, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Beathan Collado, studyante at residente ng nabanggit na lugar.


Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PSSg Ruben Fernando Jr., imbestigador sa nangyaring insidente, nang pauwi sa kanilang bahay ang lolo ng biktima ay nagulat na lamang ito nang madatnan ang biktima na duguan ang ulo habang nakasandal sa lamesa.

Nadiskubre rin ng lolo ang isang Shotgun sa tabi ng biktima kaya’t agad na tumawag at humingi ng saklolo sa Rescue 1111 ng Tuguegarao City subalit idineklara ang biktima na wala ng buhay.

Ayon pa kay PSSg Fernando Jr, lumabas sa kanilang inisyal na pagsisiyasat na ayon sa 12 anyos na lalaking kalaro ng biktima, habang nilalaro umano nila ang shotgun ay biglang pumutok at tumama sa ulo ng biktima.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay sa nangyaring insidente.

Facebook Comments