Patung-patong na kasong may kinalaman sa RA 4136 o Land Transportation and Traffic Code ang kinakaharap ng walo kataong naaktuhang sangkot sa serye ng drag racing sa kahabaan ng Marcos Highway, Antipolo City.
Sa Facebook post ni Antipolo City Mayor Andeng Ynares, nagpahayag ito ng pagkairita dahil paulit-ulit na lang at ayaw magsipagtigil ang mga karerista kahit panahon ng COVID-19 pandemic.
Nagdudulot na aniya ng matinding abala at peligro sa mga residente at motorista ang drag racing sa gitna ng pangunahing kalsada.
Sinalakay ng pinagsanib na pwersa ng City Government, PNP Highway Patrol Group (HPG), Antipolo City Police at Barangay Officials kaninang madaling araw ang Marcos Highway batay na rin sa natanggap na tip mula sa napeperwisyo nang mga residente.