8 Barangay, Nakategorya sa ‘Red Zone’ dahil sa Sakit ng Baboy

Cauayan City, Isabela- Limitado ang paggalaw ng karne ng baboy sa pamihiling bayan dahil sa mga barangay na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) sa Baggao, Cagayan.

Ito ay base sa ipinalabas na Memorandum Order no. 95 na may lagda ni Mayor Joan Dunuan.

Nakasaad sa kautusan na mahigpit na ipinagbabawal ang paglabas ng alagang baboy sa mga barangay na nakasailalim sa ‘red zone’ habang papayagan ang mga nakategorya sa ‘orange zone’ subalit kinakailangang dumaan ito sa pagsusuri ng Municipal Veterinarian at may kaukulang Veterinary Health Certificate.


Kabilang sa ‘red zone’ ang mga barangay ng Masical, Poblacion, San Vicente, Bagunot, Carupian, Asassi, Temblique at Bunugan at ‘orange zone naman ang barangay Taguing, Ibulo, Canagatan at Adaoag.

Kaugnay nito, inaabisuhan ang mga Pig Dealers at Meat Vendors na sundin ang guidelines upang pigilan ang pagkalat ng nakakahawang sakit ng baboy sa iba pang barangay at maiwasan ang karampatang parusa sa mga mapapatunayang lalabag dito.

Ito rin ay paraan upang maging katuwang ang mga opisyal ng barangay sa pagpapatupad ng naturang kautusan.

Facebook Comments