8 Barangay sa Bayombong, Nueva Vizcaya, Nasa Critical Zone; 6 na Pasyente, Positibo sa Delta variant

Cauayan City, Isabela- Nakategorya sa critical zone ang walong barangay sa Bayombong, Nueva Vizcaya dahil sa umaakyat na bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19.

Kinabibilangan ito ng mga barangay Bonfal Proper, District IV, Magsaysay, San Nicolas, Bonfal West, Don Mariano Marcos, Masac at Salvacion.

Sa Advisory no.21-2021 na pirmado ni Mayor Ralph Lantion, mayroon ng 279 na active cases at anim (6) naman ang naitalang kumpirmadong tinamaan ng Delta variant.


Nasa 21 mula sa kabuuang 25 barangay sa bayan ang apektado na ng COVID-19.

Mananatili naman sa General Community Quarantine (GCQ) ang Bayombong subalit hihigpitan ang ipinapatupad na health protocol upang maiwasan ang hawaan sa COVID-19.

Samantala, magpapatupad naman ng granular lockdown sa mga barangay na may mataas na kaso ng COVID-19.

Inanunsyo rin ng LGU Bayombong na puno na ng mga pasyente ang kanilang mga health facilities kung kaya’t inatasan ang mga barangay na gamitin ang kanilang mga isolation facilities bilang alternatibong pasilidad ng iba pang pasyente.

Muli namang paalala sa publiko ang sundin ang umiiral na health protocol laban sa banta ng COVID-19.

Facebook Comments