Cauayan City, Isabela- Pumalo sa walo (8) ang bilang ng nasawi sa COVID-19 virus sa Cagayan sa unang kinsena (Enero 01-15) ng taong 2021.
Lima (5) sa walong namatay sa COVID ay pawang mga taga Tuguegarao City habang tig-isa (1) naman ang namatay sa bayan ng Gattaran, Sta. Ana at Alcala.
Kapwa nasawi noong Enero-09 sina CV 5097 ng Gattaran at CV 5772 ng syudad ng Tuguegarao.
Si CV 5097 ay isang 63-anyos na lalake na taga Brgy. Nabaccayan, Gattaran na pumanaw habang naka-confine sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) habang si CV 5772 ay isang 66-anyos na lolo na nakatira sa Bonifacio Street, Centro 01 sa Tuguegarao at pumanaw habang nasa isang pribadong pagamutan.
Madaling araw ng Enero-12 nang mamatay si CV 5891 habang naka-confine sa CVMC kung saan isa itong 67 taong gulang na lola na residente ng Gonzaga St., Ugac Norte, Tuguegarao City.
Pang-apat na nasawing Covid-19 patient ay si CV 5998 na isang 86-anyos na lalake na nakatira sa Zone 2, Dungeg, Sta. Ana, Cagayan na namatay sa kanilang bahay noong Enero-13 matapos umuwi galing ng Caloocan City sa Metro Manila.
Pang-lima (5) sa nasawi ay isang Person Deprived of Liberty (PDL) na nakapiit sa Police Community Precinct sa PNP Don Domingo sa Lungsod ng Tuguegarao na si CV 5058, isang 55-anyos na mama na yumao noong Enero-14.
Samantala, tatlo (3) ang pumanaw dahil sa COVID-19 noong Enero-15 na sina CV 6135 at CV 5907 na kapwa taga Tuguegarao maging si CV 6283 ng bayan ng Alcala.
Si CV 6135 ay isang 63 taong gulang na lalake, may-asawa at nakatira sa Brgy. Carig Sur habang si CV 5907 ay isang 64 na lolo na residente ng Brgy Leonarda ng Lungsod ngTuguegarao.
Magha-hating gabi ng Enero-15 ng masawi naman si CV 6283 na isang lola na may edad na 75-anyos na tubong Brgy. Baculod, Alcala, Cagayan.
Pinakamataas na bilang ng namatay sa ngayon ay mula sa Tuguegarao na may 16 na death toll habang tig-dalawa (2) sa Amulung, Gattaran, Solana at Tuao.
May isang (1) casualty naman ang naitatala sa mga bayan ng Alcala, Aparri, Ballesteros, Enrile, Iguig at Sta. Ana.
Samantala, labis na ikinababahala ni Gov. Manuel Mamba ang antas ng bilang ng nasasawi sa unang kinsena ng taong 2021 lalo na sa Lungsod ng Tuguegarao.
Matatandaang inirekomenda ni Gov. Mamba na isailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Tuguegarao noong Disyembre 2021 nang lumolobo ang kaso ng COVID-19 sa siyudad.
Magugunitang hindi kinatigan ng Regional Inter Agency Task Force (RIATF) ang rekomendasyon ng ama ng lalawigan.