Tiklo ang syam na Chinese national matapos na dukutin ang mga kapwa nila Chinese sa magkahiwalay na operasyon sa San Pedro, Laguna at Parañaque City.
Sa unang operasyon ng PNP Anti Kidnapping Group sa San Pedro, Laguna nailigtas nila ang biktimang si Li Fei Yu at Long Yong Lin na dumating sa Pilipinas noong November 13, 2019 para magtrabaho bilang mga computer technician sa Tian Rui Company isang POGO center.
Pero nalaman ng dalawang biktima na hindi sumunod sa napag-usapang kontrata ang may-ari ng kompanya na si Jack Chan kaya nagdesisyon silang bumalik na sa China.
Pero sa halip pabalikin ay ikinulong sila ng limang Chinese at isang Filipino sa isang room sa San Pedro, Laguna at pinagbubogbog.
Pinababayaran kasi ng may-ari ng kompanya ang nagastos sa kanilang pamasahe at accommodation sa Pilipinas at pinapatapos ang 6 na buwang kontrata.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Chen Kai En 29-anyos, Wang Jian Xiong 27-anyos, Mei Lin 42-anyos, Jack chan 29-anyos ang may-ari ng kompanya isang Mexican National, Ruohuang Chen 21-anyos at Ariel Carmona ang Pinoy na nagsilbing bantay at drayber ng grupo.
Kahapon ay isinailalim na sa inquest proceedings ang anim na suspek para sa paglabag sa kasong kidnapping for ransom with serious illegal detention.
Samantala sa Barangay Sto. Niño Parañaque City naman inaresto rin ang tatlong Chinese matapos na ikulong at pagbubogbogin ang isang Chinese na si Sha Shuo 31-anyos.
Ayaw kasi payagan ng mga naarestong suspek na lumipat isa ibang kompanya bilang manager ng Mandarin Customer Service Company.
Kinilala ang mga naarestong Chinese na sina Go Xiong 26-anyos, assistant manager ng kompanya Wang Quingbo 31-anyos at Wang Weibin na isinailalim na sa inquest proceedings dahil sa paglabag sa kasong kidnapping for ransom with serious illegal detention.