Balik na sa normal ang operasyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ngayong Linggo ng umaga, January 22, 2023.
Ito’y matapos maapektuhan ang walong flight dahil sa pagpapalit ng depektibong uninterruptible power supply (UPS) na nagdulot ng glitch noong January 1, 2023.
Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), ang temporary shutdown sa operasyon ay ipinatupad mula alas-4:20 ng madaling araw hanggang alas-5:23 ng umaga upang magbigay-daan sa maintenance activity sa Communications, Navigation, and Surveillance/Air Traffic Management (CNS-ATM) system.
Sa isang panayam kay CAAP Spokesperson Eric Apolonio, nagkaroon ng parts replacement kaya kinakailangang i-shut down ang power dahil doon tumatakbo ang kuryente papasok sa air traffic management.
Dagdag pa ni Apolonio, una ng naglabas ang CAAP ng Notice to Airmen (NOTAM) na nag-aabiso ng pansamantalang pagkaantala sa operasyon.
Sa kasalukuyan, balik-normal na ang operasyon kaninang alas-6:09 ng umaga sa paggana ng dalawang UPS.