Naaresto ng mga otoridad ang walong residente sa Binondo, Manila na may kasong paglabag sa Section 261 ng Omnibus Election Code of the Philippines.
Kinilala ang walo na sina Mikko Tero; Miraluna Abelay; Gerald Evangelista; Philip Regodo; Crystal Rapel; Stella Pinohon; Villa Regodo, at Jomar Rasonabe.
Ayon kay Manila Police District Spokesperson Police Major Philipp Ines, taong 2018 pa lumabas ang arrest warrant ng walo at hindi sila nahuli sa loob ng apat na taon.
Pero nitong April 26, may nakapagbigay ng impormasyon sa pulisya na magkakasama ang walo, na kabilang din sa top 50 most wanted ng MPD sa San Marcelino Street, Manila.
Kaya pinuntahan ang lugar ng mga tauhan ng warrant section ng MPD at doon nahuli ang mga ito.
Pinagtataka naman ng pulisya kung bakit magkakasama ang walong suspek gayung hiwa-hiwalay ang arrest warrant ng mga ito.
Matapos naman maipresenta sa korte at nakulong ng isang gabi sa MPD detention, nakapag-piyansa ang mga suspek ng tig-P36,000 bawat isa.
Nagbabala naman ang pulisya na maaaring maharap sa kasong kriminal at makulong ang sinumang mahuhuling flying voters.