8-hour education test drive, requirement para sa mga magre-renew ng lisensya, ipinasususpinde ng Kamara

Pinasususpinde ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez sa Land Transportation Office (LTO) ang 8-hour education test requirement para sa mga magre-renew ng kanilang driver’s license.

Tinukoy ng kongresista na kailangan pa ring magbayad ng P3,000 hanggang P5,000 para sa test requirement sa mga LTO-accredited driving schools.

Punto ni Rodriguez, saan kukuha ang mga Public Utility Vehicle (PUV) driver ng pambayad sa ganoong kalaking halaga kung mismong ang mga ito ay humihingi ng ayuda sa pamahalaan.


Aniya, magiging dagdag na bayarin lamang ito hindi lamang sa mga PUV driver kundi sa mga empleyado na nagmamaneho ng kanilang sariling sasakyan.

Paalala ng mambabatas, posibleng mapagdudahan ang LTO ng korapsyon kapag ipinilit nito sa mga driver ang pagkuha ng driving test sa accredited driving schools nito.

Bukod dito, iginiit pa ng kongresista na “unfair” o hindi patas para sa milyon-milyong vehicle owner-drivers na sumusunod naman sa batas ang pagpapahirap sa kanila para lang makapag-renew ng lisensya.

Dagdag pa ni Rodriguez, ang mga ganitong masusing pagsusuri ay dapat para sa baguhang drivers lamang maliban sa drivers na may mga paglabag.

Facebook Comments