Cauayan City, Isabela-Inaasahang ilalabas ngayong araw ang resulta ng isinagawang swab test sa isang walong (8) buwan na buntis na residente ng Brgy. District 3 sa lungsod ng Cauayan matapos itong bawian ng buhay.
Ayon kay Dra. Bernadyn Reyes, City Health Officer, nakaranas ang nasabing ginang ng hirap sa paghinga kung kaya’t agad itong isinugod sa pinakamalapit na pagamutan sa lungsod.
Makaraang magsagawa ng inisyal na pagsusuri sa kalusugan ng pasyente ay minabuting ilipat ito sa Cagayan Valley Medical Center sa lungsod ng Tuguegarao para sa pagsasailalim sa swab test.
Batay sa polisiya ng Department of Health (DOH), ang mga namatay na kabilang sa suspected case patient ay agad na ililibing.
Isa sa mga sintomas ng COVID-19 ay ang hirap sa paghinga na dahilan ng ikinamatay ng nasabing ginang.
Samantala, ikinadismaya ng ilang kaanak ng nasawing buntis matapos umanong tanggihan ng isang kilalang ospital sa lungsod ang kanilang kaanak dahil lang din sa hirap sa paghinga at simpleng pag-uubo.