8 mula sa 91 maritime school sa Pilipinas, naipasara na ng CHED at MARINA

Iginiit ng Commission on Higher Education na hindi sila nagpabaya ng Maritime Industry Authority sa pagtugon sa problema ng mga Filipino seafarer kaugnay ng umano’y kabiguan ng bansa na makasunod sa requirements ng European Maritime Safety Agency o EMSA.

Ayon kay CHED Executive Director Cindy Benitez-Jaro, sumusunod naman sila sa observation ng EMSA.

May pagkakataon lang aniya na hindi pa man tayo lubos na nakaka-comply ay nagkaroon na naman ng pag-amyenda sa international standards.


“Yung sinasabi kasi parang, ‘bakit 2006 pa hindi pa ito matapos?’ Yung iba ang perception nila bakit parang pinabayaan which is not true naman po. In fact po, yung time po noong 2006 na nagkaroon ng maraming observation, nabawasan naman po yan. So, over time po, kino-comply natin yung sinasabi ng EMSA,” ani Benitez-Jaro sa interview ng RMN DZXL 558.

Samantala, ilang maritime school na rin aniya sa bansa ang ipinasara nila ng MARINA matapos na hindi makasunod sa seafarers’ curriculum.

“From 91 po, ito ay naging 86 na lang. Nung nag-inspect ang MARINA at CHED at nakita nila na may mga eskwelahan po na kailangang i-phase out, ginawa namin ito nang mabilis. Pero of course, kailangang tingnan e. Hindi naman pwedeng alegasyon lang. Ang kailangan, makita talaga at ma-inform ang isang institution na sila ay kumbaga, substandard at kumbaga mabigyan sila ng pagkakataon,” dagdag niya.

Sa huli, inihayag ni Benitez-Jaro na umaasa silang magiging positibo ang tugon ng European countries sa ginagawang intervention ni Pangulong Bongbong Marcos upang mabigyan pa ang Pilipinas ng “last chance” na maka-comply sa EMSA.

Nanganganib kasi na mawalan ng trabaho ang aabot sa 50,000 na Pinoy seafarers na nagtatrabaho sa mga European shipping companies kung hindi tatalima ang bansa sa International Convention on Standards of Training, Certification and Watchkeeping for Seafarers o STCW Convention.

Facebook Comments