Posibleng madagdagan ang bilang ng mga ospital sa Metro Manila na magiging venue sa pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga kabataang edad 12 hanggang 17 na may comorbidity.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government Usec. Jonathan Malaya, nagtalaga ang bawa’t Local Government Units (LGUs) ng tig-isang ospital para maisama sa pilot run ng pagbabakuna kabilang ang; Caloocan Medical Center, Ospital ng Parañaque, Pasay General Ospital at iba pa.
Dahil dito, sa naunang 8 ospital na kabilang sa venue sa COVID-19 pediatric vaccination ay inaasahang madaragdagan pa ito ng 13 ospital na nagmula sa National Capital Region (NCR).
“Ang target po natin dito sa pilot na ito is 144,131 na mga kabataan from 15 to 17 years old. At ganoon pa rin po, ang atin pong priority ay iyong may mga comorbidities. So nagsimula po tayo last Friday sa mga DOH hospitals, ngayon naman po ay pupunta naman po tayo sa mga LGU-based hospitals ‘no and magdaragdag po ng thirteen additional local hospitals doon sa mga ospital na nagsimula na sa national ‘no. So, ito po ay magsisimula ngayong Friday hanggang October 31.” ani ni Malaya.
Magsisimula sa October 22 hanggang October 31, 2021 ang bakunahan para sa mga edad 15 hanggang 17 anyos kung saan prayoridad pa rin ang mga may karamdaman.
Inihayag naman ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na mayroong apat na naiulat na adverse event following immunization ang vaccination sites pero mild lamang ito ay naresolba kaagad.
Sa ngayon, mahigit 2,400 kabataan na may commorbidities ang tumanggap ng unang dose ng COVID-19 vaccines sa Pilipinas.