Nagpasya ang Department of Justice o DOJ na pakasuhan ang 8 pang sangkot sa Ampatuan Massacre case.
Ito ang kinumpirma ni Atty. Nena Santos, isa sa mga abogado ng mga kaanak ng mga biktima ng Ampatuan Massacre, kasabay ng ika-11 anibersaryo ng krimen ngayong November 23.
Ayon kay Santos, ito ay kaugnay sa ikalawang batch ng mga reklamo laban sa mga sangkot sa masaker.
Kinumpirma ni Santos na ibinasura naman ang mga reklamo laban sa 40 iba pa.
Bunga nito, mula sa 48 ay 8 lamang sa mga suspek sa ikalawang batch ang na-indict makaraang makitaan ng probable cause para makasuhan.
Kabilang sa 8 ay mga miyembro ng Ampatuan private army na nakita sa massacre site at kasama rin daw sa pamamaril sa mga biktima.
Mula naman sa 40 na naabswelto, isa sa mga kilala ay si Cynthia Sayadi na Mayor ng Cotabato City.
Dismayado naman si Santos sa resolusyon dahil inabswelto ang mga dawit sa krimen sa kabila ng matibay na mga ebidensya.
Samantala, sinabi ni Santos na may 76 na kasama sa unang batch ng mga suspect ang nananatiling “at large”.
May warrant of arrest na aniya laban sa mga ito kaya dapat tuntunin na sila ng Philippine National Police.
Matatandaan na noong December 2019 na ibinaba na ng Korte ang hatol laban sa mga akusado sa Ampatuan Massacre case na naganap noong November 23, 2009.