Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Kalinga Provincial Police Office sa nangyaring aksidente sa Sitio Binongsay, Malin -Awa, Tabuk City.
Sa report, walo ang agad na namatay habang walong iba pa ang sugatan matapos nahulog sa bangin ang sinasakyan nilang dump truck.
Nakilala ang mga nasawi na sina Rufina Gaano, Kim Gallema, Crisanta Casirayan, Rosita Mangagom, Edmund Mangagom, Doming Matalang, Jules Alvester at si Edoc Gaspar.
Sugatan naman sina Stalion Mangagom, Divine Mangagom, Rosalino Salida, Iluminada Gallamoy, Geronimo Galamto at si Cecilia Balagui.
Batay sa Bureau Of Fire And Protection (BFP) Kalinga, Kalinga Provincial Office at Emergency Medical Services, aabot sa 40 ang pasahero ang nakasakay sa dump truck na papunta sa barangay balawag para dumalo sa “posipos” na isang tradisyonal na aktibidad sa nasabing lugar.
Pero nang nakarating ang mga ito sa pinangyarihan ng insidente, partikular sa paakyat na bahagi, bigla itong tumigil at umatras na nagresulta sa pagkahulog ng sasakyan sa tinatayang limang metrong lalim na bangin.
Sabi ng mga nakakita sa insidente, sinubukan pa ng 20-anyos na driver na si John Lazaro na maglagay ng kalso pero nabigo ito.