Cauayan City, Isabela- Naitala ang walong (8) katao sa mga nasawi sa nangyaring pagguho ng lupa sa bayan ng Quezon dahil sa naranasang pag-uulan sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Ayon kay Governor Carlos Padilla, isa sa mga nasawi sa nangyaring landslide ang isang (1) taong gulang na bata habang pinaghahanap naman ang dalawang iba pa na napaulat na nawawala sa kasagsagan ng ulan.
Bukod dito, aabot naman sa kabuuang 539 indibidwal ang inilikas sa ilang bahagi ng probinsya dahil sa pag-apaw ng tubig sa kani-kanilang kabahayan.
Samantala, naiulat naman ang apat (4) na nasawi mula sa bayan ng Baggao sa Cagayan makaraang madaganan ng gumuhong lupa ang kanilang tahanan sa Sitio Tueg, Bitag Grande.
Hindi rin matiyak ng gobernador kung sasapat pa ang imbak na pagkain sa kanilang lalawigan kung sakaling makakaranas pa rin ng sama ng panahon sa lalawigan.
Nakaalerto pa rin ang lahat ng rescue team sa lugar para masigurong ligtas ang mga residente sa pinsalang iniwan ng Bagyo.