Matapos ang mahabang negosasyon ay napauwi na rin ng Pilipinas sa pagpupursige ng Philippine Consulate General sa Xiamen ang walong Filipino seafarers mula Fujian Province sa China.
Ang naturang Pinoy seafarers ay noong Mayo 2020 pa stranded sa karagatan ng Ningde City, Fujian Province sakay ng Chinese fishing vessel He Li 1 Hao.
Ang naturang mga Pinoy ay bababa na sana sa Singapore noong Mayo para umuwi ng Pilipinas subalit hindi pinayagan na mag-disembark ang barko dahil sa travel restrictions dulot ng COVID-19 pandemic.
Bunga nito, nakipagnegosasyon ang kanilang Chinese employer at ang Chinese government, kasama ang Philippine government, kaya napayagang makalipat ng ibang barko ang mga Pinoy hanggang sa sila ay makadaong sa Fujian Province at makauwi ng Pilipinas.