Reorganization sa Regional Offices ng CHED, hiniling sa Kamara

37

Umapela ang Commission on Higher Education (CHED) sa Kamara na tulungan silang palakasin ang Regional Offices sa buong bansa.


Sa budget deliberation ng CHED, sinabi ni Chairperson Prospero de Vera na nagkakaroon sila ng administrative problem pagdating sa kanilang manpower.

Ayon kay de Vera, hindi na kasi tumaas ang bilang ng kanilang mga personnel sa Regional Offices gayong taon-taon ay tumataas ang bilang ng mga estudyante na nag-e-enroll sa Higher Education Institutions (HEIs).

Sinabi nito na hindi hihigit sa isang libo ang kanilang mga tauhan sa buong bansa kung saan sa bilang na ito, 600 lamang ang plantilla positions.

Lumalabas na tatlo hanggang apat na personnel lamang sa bawat Regional Offices ang humahawak sa libo-libong scholarship beneficiaries ng CHED dahilan kaya mabagal ang pagproseso nila ng mga dokumento.

Mas lalo pa aniyang nag-usad pagong ang kanilang pagpoproseso nitong tumama ang COVID-19 pandemic dahil maging ang mga estudyante ay hindi rin makalabas ng tahanan para asikasuhin ang kanilang mga aplikasyon.

Dahil dito, humiling ng tulong ang CHED sa mga kongresista para i-reorganisa at madagdagan ang kanilang mga tauhan sa susunod na taon.




Facebook Comments