Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 100% hanggang sa 4,000% na pagtaas ng bagong kaso ng COVID-19 sa walong probinsya sa bansa nitong mga nagdaang linggo.
Batay sa pagkukumpara ng mga datos mula June 8 hanggang 21 at mula June 22 hanggang July 8, ang mga lalawigang nakapagtala ng mataas na kaso ng COVID-19 ay ang mga sumusunod:
- Rizal – 113% growth change
- Laguna – 126% growth change
- Negros Occidental – 212% growth change
- Iloilo – 406% growth change
- Zamboanga Del Sur – 121% growth change
- Camarines Sur – 1,400% growth change
- Agusan Del Norte – 200% growth change
- Surigao Del Norte – 4,000% growth change
Bagama’t naitala sa Surigao Del Norte ang mataas na growth rate, lumabas sa datos na nasa 41 bagong infections lamang ang nadagdag mula June 22 hanggang July 5 sa nag-iisang kasong naitala mula June 8 hanggang June 21.
Sa Metro Manila, ang Lungsod ng San Juan ang may pinakamalaking pagtaas ng mga bagong kaso na nasa 180%, kasunod ang mga sumusunod:
- Parañaque – 142% growth change
- Malabon – 134% growth change
- Pateros – 114% growth change
- Pasay – 99% growth change
- Taguig – 93% growth change
- Valenzuela – 88% growth change
- Mandaluyong – 71% growth change
- Pasig – 25% growth change
- Caloocan – 25% growth change
Paliwanag ng DOH, ang pagtaas ng bagong kaso ay bunsod ng pagtaas ng contact ng mga tao kasabay ng pagpapaluwag ng quarantine restrictions at kawalan ng pagsunod sa minimum health standards.