8 senador, nagkaisang kinondena ang serye ng pagpaslang at harassment sa mga abogado at hukom

Inihain ng walong abogadong senador ang Senate Resolution number 691 na nagpapahayag ng pagkondena sa serye ng pagpaslang at pangha-harass sa mga abogado at hukom.

Pangunahing nagsulong ng resolusyon si Senate Minority Leader Franklin Drilon kasama sina Senators Sonny Angara, Pia Cayetano, Leila de Lima, Richard Gordon, Kiko Pangilinan, Koko Pimentel at Francis Tolentino.

Nakapaloob din sa resolusyon ang panawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte na gumawa ng kaukulang aksyon para masiguro ang kaligtasan ng mga miyembro ng legal profession.


Tinukoy sa resolusyon ang impormasyon mula sa Department of Justice (DOJ) na 54 na ang napatay na miyembro ng legal profession simula noong 2016 kung saan lima pa lamang ang nakarating sa korte.

Binigyang diin sa resolusyon na napakahalaga ng papel na ginagampanan ng mga abogado sa administrasyon ng hustisya sa bansa lalo na sa pagtulong sa mahihirap nating kababayan.

Giit ng mga senador, ang nabanggit na mga karahasan laban sa kanilang hanay ay nagdulot ng takot at pangamba kung magagampanan pa ba nila nang ligtas ang kanilang tungkulin sa lipunan.

Iginiit pa ng mga senador na ang kabiguang kondenahin, imbestigahan at papanagutin ang mga gumawa ng krimen sa mga abogado at hukom ay nakasisira sa tiwala at kumpiyansa ng publiko sa sistema ng ating Hudikatura.

Facebook Comments