80 kabahayan, tinupok ng apoy sa sumiklab na sunog sa Parañaque City

Umabot sa 80 kabahayan ang tinupok ng apoy matapos sumiklab ang sunog sa Valley 6 Barangay San Isidro, Parañaque City kagabi.

Pasado alas-12:00 ng hatinggabi ng sumiklab ang sunog na nagmula sa bahay na pag-aari ni Maria Teresa Cayabyab.

Dahil yari sa light materials, agad na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay.


Ayon kay Parañaque City Fire Director Supt. Bernard Rosete nasa ₱600,000 ang halaga ng pinsala ng ari-arian.

Nahirapan umano makapasok ang mga fire truck para rumesponde sa lugar dahil ginagawa ang kalsada.

Ayon pa kay Rosete, wala pa umano silang bilang ng mga pamilyang naapektuhan ng sunog dahil malawak ang lugar.

Nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon kaugnay ng insidente.

Pansamantalang nakikisilong ang mga pamilyang apektado ng sunog sa covered court ng Barangay San Isidro sa Parañaque City.

Naapula ang sunog pasado alas-4:14 na ng madaling araw na umabot sa ikaapat na alarama.

Facebook Comments