80% ng COVID-19 vaccines, naipamahagi na sa iba’t ibang vaccination sites – Galvez

Naipamahagi na ng pamahalaan ang 80.85% ng kabuoang COVID-19 vaccines para sa unang kwarter ng 2021.

Ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., 1,233,500 mula sa 1,525,600 total vaccine doses ay nai-deploy na sa 2,497 immunization sites, sakop ang 771 na siyudad at munisipalidad sa buong bansa.

Sinabi rin ni Galvez na aabot na sa 668,016 healthcare workers ang nakatanggap ng unang dose ng COVID-19 vaccines.


Bukod dito, iniulat din ni Galvez na inaasahang darating sa bansa ang 1.5 million shots ng Sinovac, 100,000 doses ng Gamaleya at 1 milyong doses mula COVAX facility sa Abril.

Sa Mayo, may paparating na dalawang milyong Sinovac shots, dalawang milyon mula Gamaleya at 2.6 million mula AstraZeneca, 1 million mula COVAX at 194,000 galing sa Moderna.

Sa Hunyo, inaasahang makakatanggap ang Pilipinas ng 4.5 million doses mula Sinovac, 4 million mula sa Gamaleya, 1 million mula Novavax, at 2 million mula sa AstraZeneca.

Sa Hulyo, target ng pamahalaan na makakuha ng 13.5 million vaccines, habang 40 million doses sa Agosto at Setyembre.

Aabot sa 140 million doses ng COVID-19 vaccines ang nais ng pamahalaan na matanggap sa fourth quarter ng taon.

Naghahanap din ang pamahalaan ng manufacturers ng booster vaccines o second-generation vaccines para tuluyang mapuksa ang COVID-19 sa bansa.

Facebook Comments