Umabot na sa halos 400 illegal aliens ang naaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon kay Bureau of Immigration Spokesperson Dana Sandoval, nasa 372 na foreign national na overstaying o kaya ay nagtatrabaho sa bansa nang walang working permit ang nadakip ng mga awtoridad.
Aniya, 80% o 331 sa mga nahuli ay pawang mga Chinese national.
“’Yong 372 po, ‘yong custody, some of them are with NBI, some of them are with PNP and around 40 ang nasa amin,” ani Sandoval sa interview ng RMN DZXL 558.
Maliban dito, nakapagtala rin ang BI ng 48,782 na visa cancellation kung saan 80% din dito ay mga Chinese.
“Kung naka-file na po ‘yan, wala na po silang kailangang problemahin. And for foreign national na have overstayed already, maybe a few days, maybe a month or so, we are encouraging them actually to go to any Immigration offices po to update their visa kasi ‘yun po talaga yung goal natin. It’s for foreign national to ensure compliance to Immigration Laws. Huwag na po nilang antayin na umabot po na hulihin po sila and then magkakaroon po ng deportation,” paliwanag ni Sandoval.
Samantala, ayon kay Sandoval ay plantsado na ang mga dokumento para sa pagpapa-deport sa 372 illegal aliens na gagawin kada batch.
“We’re just waiting for the clearances from the NBI and their travel documents from the embassy,” aniya pa.