Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na gumaling na mula sa Coronavirus Disease (COVID-19) ang 80 Pilipinong crew members ng MV Diamond Princess Cruise Ship na nakatengga sa Yokohama Port sa Japan.
Batay sa datos ng DFA, ang naturang bilang ay bahagi ng kabuuang 121 Pilipinong nasa ibang bansa na naka-recover mula sa COVID-19.
Gayunman, 448 Pilipino ang tinamaan ng virus kung saan 14 dito ang namatay.
Samantala, mahigit 900 Pilipinong nagtatrabaho sa cruise ships ang dumating sa bansa matapos i-repatriate ng ahensya.
Ang mga crew member na lumapag sa Ninoy Aquino International Airport ay mula sa Norwegian Dawn and Star, MSC Armonia, Meraviglia, Seaside at Divina cruise ships sa Miami, Florida.
Pitumpu’t siyam na crew members naman ang dumating sa Clark International Airport na nagmula sa Carnival Pride, Carnival Panorama, Carnival Horizon, Carnival Breeze at MS World Odyssey Cruise ships.
Idinagdag pa ng DFA na ang Manning agency ng Carnival cruise ships ang gumawa ng arrangement para sa transportasyon ng crew members at lahat ng dumating sa Pilipinas ay sasailalim sa mandatory quarantine bilang bahagi ng precautionary measures.