800 estudyante ng PUP Sta. Mesa, Maynila, isinailalim sa random drug test

Walong daang mga estudyante ng Polytechnic University Of The Philippines sa main campus sa Sta. Mesa, Maynila ang isinailalim sa random drug test ngayong araw.

 

Ang naturang mga estudyante ay mula sa limang colleges ng unibersidad.

 

Bukod sa mga estudyante ng PUP, dalawang daan ding mga empleyado at faculty staff nito ang sumailalim sa drug test.


 

Ayon kay PUP President Dr. Emanuel De Guzman, ito ay bilang pagtalima nila sa direktiba ng Commission on Higher Education at bilang tulong din sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.

 

Inamin naman ni De Guzman na may ilang estudyante ang pumapalag sa drug test dahil sa pangambang halaun daw ito ng ibang specimen.

 

Nilinaw naman ni De Guzman na wala silang balak na isabotahe ang drug test at pinupulitika lamang aniya ito ng mga aktibistang estudyante.

 

Ayon pa kay De Guzman, naabisuhan naman nila ang mga estudyante at maging ang mga magulang hinggil sa planong random drug test.

 

Tiniyak naman ng PUP president na ang estudyanteng magpopositibo sa drug test ay isasailalim sa rehabilitation at sasagutin ng unibersidad ang gastusin.

 

Wala rin aniyang estudyante masisipa sa state university sakaling sila ay magpositibo.

 

Gayunman, ang estudyanteng tatanggi sa drug test ay hindi na papayagan na makapag enroll sa unibersidad.

 

Sa kabuuan, ang PUP-Sta. Mesa ay may 35,000 na mga estudyante.

Facebook Comments