Nasa 70,000 hanggang 80,000 overseas Filipino workers (OFW) pa na naaapektuhan ng COVID-19 pandemic ang inaasahang uuwi sa bansa.
Ayon kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) administrator Hans Leo Cacdac, bukod pa rito ang humigit kumulang 5,000 OFWs na naapektuhan ng travel ban sa UAE at mga regular passengers na uuwi talaga sa Pilipinas para magbakasyon.
Samantala, aprubado na ng Department of Budget and Management (DBM) ang Special Allotment Release Order (SARO) ng P5.2 billion na mas mababa kumpara sa P9.8 billion na orihinal na hiningi ng OWWA.
Pero ayon kay Cacdac, posibleng hanggang Setyembre lang tumagal ang pondo kaya pinaghahandaan na rin nila ang pagsusumite ng panibagong budget proposal.
Ang nasabing halaga ay ginamit para sa accommodation, cash aid at repatriation expenses ng mga OFW na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.