Aabot sa 80,000 maliliit na kumpanya ang inaasahang makikinabang mula sa loan na inaalok ng pamahalaan para sa pamamahagi ng 13th month pay.
Sa ilalim ng Republic Act 11494 o Bayanihan to Recover As One Act, ang Small Business Corporation ay binigyan ng ₱10 billion para sa COVID-19 Assistance to Restart Enterprises Program (CARES).
Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez, nasa ₱4 billion ang nakalaan para sa interest-free na loan para sa distribusyon ng 13th month bonus sa mga empleyado ng Micro, Small at Medium Enterprises.
Ang anim na bilyong pisong balanse ay nakalaan para sa tourism-related MSMEs na naapektuhan ng pandemya.
Aminado si Lopez na hindi pa rin sapat ang naturang pondo.
Sa taya ng kalihim, nasa 40,000 hanggang 80,000 maliliit na kumpanya lamang ang mabibigyan ng loan na limitado sa 50,000 o 100,000 pesos lamang.