Umaabot na sa 800,000 ang mga dayuhang Chinese ang nasa bansa.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Police Gen. Rodolfo Azurin Jr., binabantayan nila ang mga ito dahil sa kasalukuyan ay hindi nila alam kung sino-sino sa mga ito ang dokumentado o ilegal lamang na nananatili sa bansa.
Ang pahayag ng PNP chief ay kasunod na rin ng sunod-sunod na kaso ng kidnapping ng mga Chinese nationals na kapwa kini-kidnap din ng kapwa nila Chinese na may kaugnayan sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Aniya, nakikipag-ugnayan na ang PNP sa Bureau of Immigration at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) para ma-dokumento ang lahat ng Chinese nationals na nagtatrabaho sa POGO at kanilang aalamin ang record ng bawat isa.
Mahirap kasing papasok lamang tayo ng papasok sa bansa ng mga dayuhan pero may nakabinbin pa lang kaso ang mga ito sa China at ginagawa lamang scapegoat ang Pilipinas.
Kasunod nito, nagpasalamat si Azurin sa suporta ng Senado sa mungkahi ng PNP na imandato ang mga dayuhang manggagawa na magkaroon ng national police clearance.