Pinaiimbestigahan ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., ang magkakasunod na pagbagsak ng aircraft na kinasangkutan ng mga chartered flights, non-scheduled commercial flights at pilot training schools.
Sa Senate Resolution 513 na inihain ni Revilla, layunin nito na mapalakas ang kasalukuyang aviation protocols at iba pang mga pagsasanay upang matiyak na tumutugon ito sa international safety standards.
Nakasaad sa resolusyon ang dalawang magkahiwalay na insidente ng pagbagasak ng aircraft noong Enero at Pebrero na kinasangkutan ng Cessna plane.
Tinukoy sa resolusyon ang tungkulin ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) para pagibayuhin ang kaligtasan sa himpapawid at maiwasan ang mga aksidente.
Nakapaloob din sa resolusyon na matapos ang imbestigasyon sa air traffic glitch sa NAIA noong January 1, 2023 ay natuklasan ang napakaraming problema sa ating civil aviation industry.
Ipinunto sa resolusyon ang pangangailangan na alamin ang estado ng aviation industry sa bansa partikular sa aircraft at fleet maintenance, operating standards, training systems, at kung bakit ang mga non-compliant aircraft na tinatawag na ‘flying coffins’ ay pinapayagang lumipad.
Iginiit pa rito na saklaw ng oversight function ng Senado na silipin ang isyung ito dahil ang kalagayan ng civil aviation ay may malaking impact hindi lang sa safety at convenience ng mga pasahero kundi pati na sa tourism industry at sa buong ekonomiya ng bansa.