Sinampahan ng kasong malicious mischief at illegal assembly kahapon ang 83 sa 91 magsasaka at land reform advocates na inaresto noong Huwebes sa Concepcion, Tarlac.
Dahil dito, pinatawan sila ng piyansa na nagkakahalaga ng 36,000 pesos kada tao para sa illegal assembly habang 3,000 pesos na recommended bail naman sa malicious mischief.
Katumbas ito ng 3.2 million pesos na piyansa para sa buong grupo na kinasuhan.
Habang ang walong katao kabilang ang limang dayuhan ay palalayain.
Inaasikaso na ng grupo ng mga abogado ang mga dokumento para sa pagpapalaya sa 83 indibidwal sa lalong madaling panahaon.
Mababatid na inaresto ng pulisya ang grupo dahil sa giniba umano nito ang mga tanim na tubo sa nasabing lugar na pagmamay-ari ng isang kooperatiba.
Pumalag naman ang ilang human rights group kung saan ilegal na dinakip ang mga magsasaka at ilang land reform advocates na nagsasagawa lamang umano ng collective farming activity bago hulihin.