84 NA NABIGYAN NG UNANG DOSE NG BAKUNA, NAGPOSITIBO SA COVID-19

Cauayan City, Isabela- Nagpositibo pa rin sa COVID-19 ang nasa 84 na mga nabigyan ng unang dose ng bakuna na naitala mula sa Lalawigan ng Isabela.

Ito ang ibinahaging impormasyon ni Dra Marichu Manlongat, Rural Health Physician ng Isabela Provincial Health Office sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.

Ipinaliwanag nito na kahit nabigyan na ng anti-covid vaccine ang isang indibidwal ay may tiyansa pa rin na makapitan ito ng virus lalo na kung hindi nag-iingat.


Maaari din aniya na sa kanilang naitalang datos ay posibleng asymptomatic ang ilan sa mga ito bago sila mabakunahan.

Kaugnay nito, pansamantala munang sinuspinde ang pagbibigay ng Astrazeneca vaccine sa mga Senior citizens sa probinsya dahil na rin sa ilang pag-aaral sa ibang bansa na nagkakaroon ng blood clotting sa mga nababakunahan ng Astrazeneca at hihintayin na lamang aniya ang ibababang protocol para sa pagbibigay ng second dose.

Ayon pa kay Dra. Manlongat, pinapayagan na ngayon ng FDA ang Sinovac vaccine na maiturok para sa mga senior citizens o mga nasa edad 60 pataas.

Sa mga nais magpabakuna, kinakailangan lamang magpakita ng medical certificate na galing sa attending physician upang mabigyan ng anti-covid-19 vaccine.

Muli namang nagpaalala ang Duktora sa publiko na sundin ang mga ipinatutupad na health and safety protocols ng pamahalaan upang maprotektahan ang sarili at mapigilan ang patuloy na paglala ng COVID-19 sa probinsya.

Facebook Comments