Alinsunod sa pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte, hinandugan ng all-expense paid trip sa Hong Kong ang 88 kasapi ng New People’s Army na sumuko sa mga awtoridad.
Ayon kay AFP Eastern Mindanao Command (EMC) Spokesman Lt. Col. Ezra Balagtey, inasikaso ng kanilang tanggapan at Presidential Management Staff (PMS) ang libreng bakasyon ng mga dating rebelde mula sa Region 11 (Davao-Compostela Valley).
Bago lumipad patungong Hong Kong, sumailalim sila sa orientation ng Philippine Army.
Pahayag ni Balagtey, layunin ng biyahe na maranasan ng mga dating tulisan ang mapayapa at modernong pamumuhay.
Nilibot ng 84 babae at apat na lalaki ang naturang bansa mula Hulyo 30 hanggang Agosto 2 ng kasalukuyang taon.
Magugunitang sinabi ni PRRD na magkakaloob ng out of the country trip ang mga sumukong rebelde kasabay ng kanilang pagdalaw sa Palasyo noong Pebrero 2018.