Lumagpas ng 269% ang target accomplishment ng 8888 Citizens Complaint Center ng Office of the President (OP) sa pagtugon sa mga reklamo at hinaing ng publiko.
Batay sa 2019 Annual Audit report ng Commission on Audit (COA), lumalabas na walang audit disallowance na inisyu laban sa tanggapan habang mayroong isang audit suspension ang ipinatupad na may kinalaman sa ₱28,968.
Nanawagan ang COA sa paglalabas ng guidelines at work financial plan para sa paggamit ng mga donasyon.
Ang OP ay gumastos ng ₱1.4 billion para sa donasyong nakalaan para sa economic development projects na nakalinya sa national priority plan.
Sa ilalim ng General Appropriations Act of 2019, inaalam ng OP ang mga lugar na kailangang suportahan sa pamamagitan ng donasyon, kung saan pinagpipilian ang agrarian reform, tulong sa mga biktima at lugar na apektado ng kalamidad, at rehabilitation ng depressed areas.
Sa performance audit, sinabi ng COA na nagawa ng Complaint Center na maabot ang 269.44% accomplishment sa kanilang 2019 target sa pamamagitan ng pag-aksyon sa 240,000 complaints at requests, na ini-refer sa iba’t ibang kaukulang ahensya.
Aabot sa 646,658 calls at referrals ang natanggap ng Complaint Center.
Ang Complaint Center ay nasa ilalim ng pamumuno ni Executive Secretary Salvador Medialdea na layong labanan ang red tape, graft at corruption at mapabuti ang paghahatid ng government services sa pamamagitan ng pagtatatag ng world-class, pioneering, public feedback call center facility.