MERSEYSIDE, West England – Isang ahas na may habang walong talampakan ang natagpuan ng isang babae sa loob ng kanyang banyo na sinasabing anim na buwan na raw nagtatago roon.
Nagtungo raw noon si Alison Jones, 42 sa loob ng kanilang banyo nang biglang magladlad ang ahas sa butas noong madaling araw ng Disyembre 30.
“I saw the head and I thought “if the head is that big, what does the body like,” kwento niya.
Lumabas daw ang naturang hayop saka pumaikot sa kanyang lababo at sa takot ay dali-dali raw siyang lumabas ng banyo.
“I just couldn’t look at it. It was just so frightening to look at. I was worried it was going to attack me, I screamed and ran back down the stairs,” sabi niya.
Agad na humingi ng tulong si Jones sa pulisya kaya mabilis na nagsagawa ng aksyon ang mga ito.
Nagtungo ang dalawang opisyal para imbestigahan ang ahas saka nakipag-ugnayan sa Merseyside Police’s elite crimefighting Matrix team, ang may kaalaman sa pag-asikaso nito.
Binigyan nila ng tubig na maiinom ang nasabing ahas saka inilagay sa isang ligtas na lagayan.
Ani Jones, matapos ang pangyayari ay nakatanggap siya ng liham mula sa pulisya at sinabing dalawang ahas ang naiulat na nawawala anim na buwan na ang nakakalipas.
Maaaring ang isa raw ay namatay na at ang isa naman ay ang nakita sa kanyang banyo.
Samantala, napag-alaman na ang natagpuan ni Jones ay isang boa constrictor, uri ng ahas na matatagpuan sa North, South, at Central America.
Itinuturing sila bilang isa sa pinakamalaking lahi ng ahas sa buong mundo na umaabot pa sa habang 13ft.
Hindi rin umano sila makamandag at sinasabing nakikihalubilo lang sa iba kapag nais makipagtalik.
Umaabot rin sa hanggang 30 taon ang itinatagal ng mga ganitong klase ng ahas.
Kasalukuyan namang nasa pangangalaga ng Chester Zoo ang naturang ahas.