*Cauayan City, Isabela- *Apektado na rin ng African Swine Fever (ASF) ang siyam (9) na barangay sa bayan ng Solana, Cagayan.
Ito ang kinumpirma ni Acting Provincial Veterinarian Dr. Noli V. Buen sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Ang mga naapektuhan ay ang mga Barangay Bauan East, Andarayan South, Andarayan North, Bantay, Ubong, Bangag, Sampaguita, Lanna at Pataya, Solana.
Ayon kay Dr. Buen, nagsimula sa Barangay Andarayan ang ASF dahil umano sa mga bumabyaheng delivery trucks ng mga traders na nagbebenta ng mga karne ng baboy.
Nasa 76 baboy na ngayon ang isinailalim sa culling o pagpatay at pagbaon sa lupa na pagmamay-ari ng 30 hog raisers.
Inihahanda naman ngayon ng Pamahalaang Panlalawigan ang halagang Php3,000.00 sa kada ulo ng baboy pero dipende pa rin sa laki bilang tulong pinansyal para sa mga may-ari ng baboy.
Dagdag pa ni Dr. Buen, patuloy pa rin ang kanilang mahigpit na pagbabatay sa labing dalawang (12) checkpoints sa Lalawigan upang matiyak na walang makakapasok na baboy o meat products lalo na sa mga karatig lugar na apektado ng ASF.