9 Katao, Nahuli sa Pagsusugal; Tanim na Marijuana, Nakumpiska

*Cauayan City, Isabela*- Nahuli ang siyam (9) katao matapos maaktuhan na nagsusugal pasado 5:45 ng hapon sa Brgy. Vira, Roxas, Isabela.

Kinilala ang mga suspek na sina Rosita Baltazar, 61 anyos; Reynaldo Delos Santos, 61 anyos kapwa residente ng Brgy. Rizal habang nakilala ang iba pa na sina Jose Castillo, 70 anyos, may asawa; Emma De Ocos, 51 anyos; Maria Theresa Pajares, 41 anyos; Rosenda Calma, 74 anyos kapwa mga residente naman ng Brgy. Nuesa.

Nakilala din ang iba pang sangkot sa iligal na sugal na sina Nonito Elchico, 62 anyos, may asawa;Reynaldo Bumanglag, 56 anyos; at Mila Castillo, 52 anyos, may asaw at kapwa mga residente ng Brgy. Vira at Bantug, Roxas, Isabela.


Ayon kay PMAJ. Engelbert Bunagan, Hepe ng Roxas Police Station, nakatanggap ang pulisya ng impormasyon mula sa isang concerned citizen na may iligal na sugalan sa isang abandonadong warehouse ni Bumanglag sa Brgy. Vira.

Agad namang ikinasa ng operatiba ang operasyon at nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.

Narekober sa mga suspek ang tatlong (3) pakete ng baraha at pera na tinatayang humigit kumulang na P245.00.

Samantala, nakumpiskahan din ng tanim na marijuana sa bahay ni Bumanglag na nakalagay sa mga empty container ng pintura at biscuit.

Sasampahan ng kasong Illegal Gambling ang siyam na suspek habang isasampa ang kasong RA 9165 kay Bumanglag dahil sa pagtatanim ng marijuana.

Facebook Comments