9 na babaeng hinihinalang suicide bomber, naaresto ng militar at pulisya sa Sulu

Napigilan ng Joint Task Force Sulu at mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang ilang tangkang pagpapasabog at panggugulo sa Mindanao.

Ito ay matapos na maaresto ang siyam na babaeng hinihinalang may koneksyon sa Abu Sayyaf Group (ASG).

Ayon kay JTF Sulu Commander Major General William Gonzalez, nahaharap na ngayon ang siyam na mga suspek sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9516 o illegal / unlawful possession, manufacture, dealing in, acquisition or disposition of firearms ammunition or explosives.


Ang tatlo sa siyam na mga naaresto ay sina Isara Jalmaani Abduhajan, 36-anyos; Jedah Abduhajan Amin, 28-anyos; at Elena Tasum Sawadjaan-Abun, 40-anyos.

Sila ay mga anak nang nasawing ASG leader na si Hatib Hajan Sawadjaan.

Nakuha kina Sarah at Jedah ang ilang Improvised Explosive Device (IED) components matapos na isilbi sa kanila ang warrant of arrest sa Brgy. Bangkal, Patikul, Sulu.

Samantala, naaresto rin ng mga awtoridad ang biyuda ni ASG sub-leader Walid Abun sa Kalimayahan Village, Brgy. Latih, Patikul.

Kasama nitong naaresto si Firdauzia Said alyas “Firdausia Salvin”, biyuda ni ASG sub-leader Mannul Said.

Sa hiwalay namang operasyon sa Brgy. Tulay, Jolo, Sulu, nahuli rin ng militar at pulisya ang potential suicide bombers na sina Nudsza Ismanu Aslun, biyuda ni ASG member na si alyas “Jabar” at Nurshahada Isnain, asawa ng ASG member na si alyas “Akram”, at isa sa mga trusted followers ni ASG sub-leader Mundi Sawadjaan.

Nakuha sa kanila ang ilang mga IED components.

Ang iba pang mga naaresto na kinilalang sina Linda Darun Maruji, Risa Jhalil, at Sharifa Rajani na mga residente rin ng Kalimayahan village, Brgy Latih, Patikul, Sulu ay nananatili ngayon sa kustodiya ng mga awtoridad.

Facebook Comments