9 na bus terminal, ipinasara ng MMDA sa kahabaan ng EDSA Cubao sa Quezon City

Quezon City – Tuluyan ng naipasara ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang siyam na bus terminal na hindi sumunod sa Nose-In Nose-Out Policy ng MMDA.

Tinungo ng MMDA kasama ang Quezon City BPLO ang mga bus terminal bitbit ang Cease and Desist Order laban sa siyam na bus terminal sa kahabaan ng EDSA, Cubao, Quezon City dahil sa paglabag sa Nose-In Nose-Out Policy at walang sapat na lugar ang mga pasahero, walang sapat na palikuran iba pang paglabag sa ordinansa ng lungsod.

Ayon kay MMDA Chairman Danny Lim, isinara nila ang mga bus terminal dahil sa hindi sumunod sa batas ang may-ari ng naturang mga bus company.


Dagdag pa ni Lim na kabilang sa mga ipinasara ng MMDA ay ang DLTB, Amihan, Lucena Lines Inc., Fivestar, Queenbee, Baliwag, First North, ES Tranport, at Jackliner.

Paliwanag ni Lim maliban sa paglabag sa ordinansya at sa ipinaiiral na batas, walang permit at kulang sa maayos na pasilidad para makapag-operate bilang terminal ang mga pinasarang bus companies.

Una rito, tatlong bus terminals ang ipinasara ng MMDA, ito ay ang DLTB.Co, Dimple Star at Roro Bus Lines sa North Bound ng EDSA Quezon City.

Umalma naman ang mga pasahero sa ginawang pagpapasara ng MMDA dahil wala na umano silang masasakyan papuntang Quezon, Laguna, Batangas at Bicol Region na malapit lamang sa kanilang lugar.

Habang problemado naman ang mga bus driver kung saan sila lilipat ng mapapasukan na apektado sa closure order ng MMDA.

Facebook Comments