9 na Libong ‘Tokhang Responder’s’ sa Isabela, Isasailalim sa Search and Rescue Training!

*Cauayan City, Isabela-* Nakatakdang isailalim sa search and rescue training ang mahigit 9,000 tokhang responder sa Lalawigan ng Isabela matapos na dumalo ang ilan sa mga ito sa kauna-unahang Provincial Drug Summit sa siyudad ng Ilagan.

Ayon kay Police Brigadier General Jose Mario Espino, Regional Director ng Police Regional Office 2, isasailalim sa Search and Rescue training ang mga Tokhang Responders upang makatulong ang mga ito sa kanilang mga lugar sa panahon ng kalamidad bilang mga volunteer sa kani-kanilang lugar.

Sa talumpati ni Isabela Gov.Rodito Albano, ang mga tokhang responder ay kailangan ng tuloy-tuloy na tulong para sa kanilang pagbabagong buhay kung kaya’t magtatayo ang pamahalaang panlalawigan ng isang kooperatiba para sa mga ito.


Dahil dito, babalangkas na rin ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela ng isang komite upang pag-aralan ang kaso ng bawat tokhang responder kung bakit sila nalulong sa droga, kung sila’y biktima lamang na may pag-asa pang magbagong buhay pa ang mga ito.

Nangako rin ang ibat-ibang ahensya ng pamahalaan lalo na ang Department of Labor and Employment (DOLE) na bibigyan sila ng trabaho matapos silang sumailalim sa pagsasanay.

Ito ay hudyat na rin sa nais ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) na maideklara bilang drug cleared ang naturang lalawigan.

Ang isinagawang Kauna-unahang Tokhang Responders Drugs Summit ay layunin na himukin ang mga hindi pa sumasailalim sa Community Based Rehabilitation/Wellness Program (CBRWP) na programa ng pulisya.

Batay sa talaan ng IPPO, ang mahigit siyam na libong tokhang responders sa lalawigan ay nasa walong libo na ang nakapagtapos sa nasabing programa habang ang iba ay kasalukuyan pang sumasailalim dito.

Ang naturang aktibidad ay bahagi sa mahigpit na kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa war on drugs ng pamahalaan.

Facebook Comments