Nasagip ng mga tropa ng 4th Marine Brigade ng Joint Task Force (JTF) Sulu ang 9 na pasahero ng bangkang tumaob sa karagatan ng Sulu kahapon.
Ayon kay JTF-Sulu at 11th Infantry Division Commander MGen. Ignatius Patrimonio, pito sa mga nailigtas ay mga menor de edad na mula 12 hanggang 18 taong gulang.
Ayon kay 4th Marine Brigade Commander Col. Vincent Mark Anthony Blanco, agad na rumesponde ang kanyang mga tauhan matapos na makatanggap ng report mula sa mga mangingisda kaugnay sa tumaob na banka sa karagatan ng Barangay Tandu Bato, sa munisipyo ng Luuk.
Aniya, patungo sana ang bangka sa Sitio Taindi ng Barangay Kan Mindus sa Luuk, nang makaranas ng malakas na alon na naging sanhi ng pagtaob.
Sa ngayon, nasa maayos na kondisyon na ang lahat ng mga naligtas na pasahero nang i-turn over sila ng marines sa Municipal Disasters Rescue Management Office (MDRMO) ng Luuk, Sulu at dinala sa Luuk District Hospital para sa medical checkup.