*Cauayan City, Isabela*-Umabot na sa kabuuang siyam (9) na katao ang naitala ng Department of Health Region 2 na nagnegatibo sa resulta ng 2019 Novel Coronavirus sa Lambak ng Cagayan.
Batay sa ipinalabas na pahayag ng DOH, karagdagang anim na resulta ang negatibo habang tatlo ang nauna ng naitalang nagnegatibo rin sa nakamamatay na sakit.
Ayon pa sa nasabing ahensya, ipinadala na ang huling apat (4) na specimen sample sa Research Institute for Tropical Medicine para sa pagsusuri sa mga ito.
Ilan sa mga pasyente na nagnegatibo sa Ncov ay mula sa Bayan ng Gattaran, Tuao at Sto. Niño sa Cagayan habang sa Cauayan City sa Isabela at mula naman sa Diffun sa Probinsya ng Quirino.
Mahigpit pa rin ang paalala ng Kagawaran ng Kalusugan sa Lambak ng Cagayan sa publiko na maging responsible pa rin sa pagbabahagi ng mga impormasyon tungkol sa Ncov.
Nananatili namang ‘zero case’ ang rehiyon dos sa sakit na 2019 Novel Coronavirus.