Iginiit ni Senator Risa Hontiveros sa liderato ng Philippine National Police (PNP) na suspindihin ang siyam na pulis na nakapatay sa apat na Philippine Army Intelligence Officers ng Jolo, Sulu noong June 29, 2020.
Nais din ni Hontiveros na i-relieve ang buong Jolo police force kasunod ng kambal na pagsabog sa nabanggit na lugar.
Ayon kay Hontiveros, dapat umaksyon agad ang PNP leadership kaugnay sa alegasyon na may koneksyon sa terrorist organization ang ilang miyembro nito.
Tinukoy ni Hontiveros na ang dalawang suicide bombers na subject ng surveillance ng mga sundalong napatay ay ang sinasabing nasa likod ng nabanggit na twin bombings.
Humihirit din si Hontiveros ng full investigation para siguraduhing walang cover-up sa nangyaring mga pagsabog sa Jolo, Sulu, at para busisiin din ang posibleng koneksyon nito sa pagpatay sa apat na sundalo.
Diin naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, may batayan para suspindihin ang siyam na pulis at dapat itong ipanawagan ng Senado.
Paliwanag ni Drilon, ang PNP ay bahagi ng civilian force ng gobyerno at malinaw na ang mga civilian employees ay dapat patawan ng preventive suspension kapag may paglabag na nagawa.