Plano ng siyam na mga senador na maghain ng isang resolusyon na komokondena sa iligal na aktibidad ng China sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas at sa iba pang bahagi ng West Philippine Sea.
Kabilang sa nabanggit na mga senador sina Minority Leader Franklin Drilon, Senators Francis “Kiko” Pangilinan, Leila de Lima, at Risa Hontiveros sa panig ng minorya.
Kasama rin dito sina Senate President Pro-Tempore Ralph Recto, Grace Poe, Richard Gordon, Nancy Binay, at Joel Villanueva mula naman sa majority bloc.
Umaasa si Drilon na marami pang mga senador ang susuporta sa kanilang hakbang na maituturing na kanilang ambag bilang partner ng Ehekutibo sa paglalatag ng foreign policy ng bansa.
Ipapaloob din sa resolusyon ang pagsuporta ng mga senador sa paghahain ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., ng serye ng diplomatic protest laban sa China gayundin sa matapang na paninindigan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana laban sa presensya ng mga barko ng China sa West Philippine Sea.