Cauayan City, Isabela- Umabot sa 90% na mga miyembro ng LGBT Community sa lungsod ng Cauayan ang nakatanggap na ng bakuna kontra COVID-19.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ara Jessica Tolentino, Vice President ng Bamboo United Gay Association Inc. (BUGAi), nasa mahigit 200 miyembro ng kanilang organisasyon ang nabakunahan na laban sa virus.
Aniya, maraming bilang ng mga menor de edad na LGBT member ang kusang nagpabakuna ng simulang buksan ang vaccination sa mga edad 12 hanggang 17.
Sa kabila nito, tuloy-tuloy naman ang mga aktibidad ng organisasyon tulad ng BUGAi Bahaghari kung saan nagbibigay ng libreng gupit sa iba’t ibang sektor ng lipunan kaya naman tiniyak aniya nila na mabakunahan ang mga miyembro para makaiwas sa posibleng banta ng COVID-19.
Hinimok naman nito ang publiko na magpabakuna na upang mailayo sa pagkakaroon ng severe COVID-19.