9,000 indibidwal sa 131 barangay sa Cagayan, apektado ng pananalasa ng Bagyong Florita; DSWD, kinumpirma na walang naitalang nasawi dahil sa bagyo!

Photo Courtesy: Cagayan Provincial Information Office

Aabot sa 9,000 indibidwal sa lalawigan ng Cagayan ang naapektuhan sa pananalasa ng Bagyong Florita.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Cagayan Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) Chief Ruelie Rapsing na katumbas ito na 3,000 pamilya mula sa 131 barangay sa 19 na bayan ang inilikas dahil sa banta ng bagyo.

Wala rin aniya naiulat na nasawi matapos tumama ang Bagyong Florita sa nasabing lalawigan, pero mayroong lang naitalang tatlong indibidwal na nagtamo ng minor injuries dahil sa mga natumbang puno.


Dagdag pa ni Rapsing, sa ngayon din ay hindi pa rin madaanan ang 9 na tulay at kalsada sa lalawigan na matatagpuan sa Baggao, Tuguegarao at Peñablanca.

Samantala, sa Malacañang press briefing ay kinumpirma rin ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo na walang naiulat na casualties mula sa Office of the Civil Defense (OCD), National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), regional offices ng DSWD at local government units (LGU) matapos ang pananalasa ng Bagyong Florita.

Facebook Comments