Activated na ang Pangasinan 911 Emergency Hotline Number na maaring tawagan ng mga residente sa lalawigan sakaling magkaroon ng emergency sa kanilang lugar.
Naitatag ang naturang numero sa lalawigan matapos ang isinagawang na paglalagda sa isang memorandum of agreement (MOA) ng pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan kasama ang Office of the Civil Defense Ilocos regional office at iba pang kinauukulang ahensya para sa pag-activate ng naturang hotline number.
Sa naging panayam ng IFM Dagupan kay Erika Galera, Information Staff ng Pangasinan PDRRMO, activated at fully operational na ang 911 Emergency Hotline Number o ang Pangasinan Safety & Emergency Response, Command, Control and Communications Center (PACER C3) kahapon ika-30 ng Agosto taong kasalukuyan.
Dagdag pa nito na sa halos dalawang araw palang ang nakalipas as of August 31, 2023 ay umabot na sa isang libong tawag ang kanilang natanggap ngunit ikinalulungkot ng ahensya na lumabas na 997 na tawag ay pawang mga prank calls lamang at tatlo (3) rito ay may mga emergency sa kanilang lugar.
Dahil dito nagpaalala at nanawagan ang awtoridad na gamitin sa tama ang pagtawag sa naturang hotline upang itawag ang mga emergency situations sa kanilang lugar at upang hindi gamitin sa panloloko.
Samantala, ang hotline na ito tutugon sa iba’t ibang klase ng emergency ng mga residente gaya na lamang ng kalamidad, krimen, at aksidente, at marami pang iba.
Kasabay ng paglulunsad nito ay itinatag na rin ang one response command center na pangangasiwaan ng Pangasinan PDRRMO kung saan ang command center na ito ay naglalaman ng isang unit ng PDRRMO sa pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng pambansang pamahalaan tulad ng AFP, BFP, PCG, PNP at iba pang departamento ng pamahalaang panlalawigan na hahawak sa 911 emergency hotline number.|ifmnews
Facebook Comments