Nakalabas na sa ospital ang isang 93-anyos na COVID-19 patient sa South Korea matapos na tuluyang makarekober sa nakamamatay na virus.
Naitala ang babae bilang pinakamatanda sa tinatayang 3,100 katao na idineklarang clear na sa coronavirus, base sa huling datos nitong Lunes sa ulat The Korea Herald.
Pinauwi ang pasyente nitong Sabado makalipas ang 13 araw na gamutan sa ospital sa Seoul.
Ayon sa isang opisyal sa Gyeongsan City, bukod sa sintomas ng Alzheimer’s disease ay walang ibang karamdaman ang matanda na galing sa isang nursing home sa nasabing lugar, kung saan din siya nagpositibo sa virus.
Inilipat siya sa Seoul dalawang araw makalipas lumabas ang resulta ng test, at bagaman nag negatibo na noong Marso 10 at 12, nagpatuloy ang pagpapainom sa kanya ng antibiotic dahil sa sintomas ng pneumonia.
As of Monday, nakapagtala na ang Korea ng 8,961 kaso ng COVID-19; 111 dito ang namatay, habang 3,166 pasyente naman ang gumaling na, ayon sa Korea Centers for Disease Control and Prevention.