Inanunsyo ng Department of Education (DepEd) na 93% ng mga pampublikong eskwelahan sa buong bansa ay nakatanggap ng higit isang milyong devices at gadgets na gagamitin ng mga estudyante at guro para sa distance learning ngayong taon.
Ayon kay DepEd Director for Information and Communications Technology Service (ICTS) Abram Abanil, nasa 1,042,575 devices ang ipinamahagi sa 43,948 na public schools sa buong bansa.
Gagamitin ang mga nasabing gadgets sa online learning ng mga estudyante at madagdagan ang mga kasalukuyang devices na mayroon sa mga eskwelahan.
Pagdating ng Disyembre, nasa higit 200,000 devices ang ipamamahagi sa public schools sa buong bansa.
Gagamit din ang DepEd ng Learning Management System.
Para sa online safety ng mga estudyante, bibigyan sila ng sariling DepEd email account.
Habang nalalapit ang pasukan sa October 5, tiniyak ng DepEd ICTS na patuloy nilang pinahuhusay ang kanilang sistema.