Kinumpirma ni Pasig City Mayor Vico Sotto na 93,000 lang na pamilya sa kanyang lungsod ang inaprubahan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD para sa Social Amelioration Program ng Pamahalaan.
Ayon kay Mayor Sotto, pinagbasihan ng DSWD ang 2015 census, dahil wala pa ang 2020 na survey dahil naantala ito bunsod ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.
Makatatanggap anya ng may kabuuang 16,000 pesos ang 93,000 families, kung saan ibibigay ito sa loob ng dalawang buwan na tig-8,000 pesos bawat buwan.
Iginiit ng Alkalde na hindi nila kontrolado ang proseso ng pamamahagi ng SAP dahil ito ay programa ng National Government.
Ang tanging bahagi lang nila ay maipaabot ito sa mga benepisyaryo ng nasabing programa.
Dagdag pa niya, ang nasabing program ay malaki ang tulong para sa kanyang mga residente lalo na ngayon sa panahaon ng krisis.
Pero mas marami pa rin ang hindi mabibigyan dahil mayroon 206,000 na pamilya ang Pasig City.
Sa ngayon, ang lungsod ng Pasig ay mayroong 190 confirmed cases ng COVID-19, kung saan 27 ang nasawi ng dahil sa virus at meron naman 35 na pasyente ang mga gumaling na.