95% ng Positibong kaso ng COVID-19 sa Region 2 pawang mga LSIs at ROF

Cauayan City, Isabela- Mag-iikot ang composite team ng Department of Health (DOH) Region 2 sa lahat ng mga lugar sa buong Cagayan Valley para suriin ang kapasidad ng mga ito sa pagtugon sa napipintong pag-aalaga sa mga asymptomatic patient o mild symptoms ng COVID-19.

Ito ang kinumpirma ni Regional Director Dr. Rio Magpantay ng DOH-RO2 sa panayam ng Philippine Information Agency (PIA).

Ayon kay Dr. Magpantay, base sa pag-iikot ng development management officer ng ahensya sa iba’t ibang lugar sa rehiyon ay lumalabas na wala pang pumapasok sa criteria na maaari itong maging mga isolation facilities.


Aniya, tinitignan ngayon ang kapasidad ng mga district hospitals para sa gagawing atensyong medikal sa mga asymptomatic o mild cases lang.

Ipinunto pa ni Magpantay na kung sakali man na may kakulangan sa mga kagamitan ang mga hospital ay tutugon naman sila agad para mabigyan ang mga ito na siyang gagamitin ng mga pasyente.

Dagdag pa ni Magpantay, nasa mahigit 95 porsyento ng mga positibong kaso ng COVID-19 ay pawang mga Locally Stranded Individual at Returning Overseas Filipinos.

Kinakailangan talaga aniya na maging handa ang mga Lokal na Pamahalaan sa pagtanggap ng mga positibong kaso ng virus para sa pagsasailalim sa isolation facilities.

Samantala, umabot na sa 120 ang mga naitalang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa buong Lambak ng Cagayan.

Facebook Comments